Now What, Cat? Rotating Header Image

Ma-CAT-a raw ako

Dear mouse,

Balik ako sa dati kong pag-ibig. Ang TULA. Hindi man makata, ang Pusa po ay marunong ding humabi ng isang likhain na nangangailangan ng dunong (ahem) sa pagtagni-tagni ng mga salitang
hahagod sa damdamin, gigising sa natutulog na puso at bubusog sa isang gutom na tiyan ng PUSA.

Ina
Bisig mo ang umakay,
Sa mga hakbang na mabuway,
Ng batang nagsimulang gumabay.

Bisig mo ang umakay,
Sa mga hakbang na mabuway,
Ng anak na nadapa sa landas ng buhay.
Bisig mo ang kumalong,
Sa munting katawang gumulong,
Nang matapilok sa batong nakausbong.
Bisig mo ang kumalong,
Sa malaking katawang gumulong,
Ng anak na sa bawal na gamot ay nalulong.
Bisig mo ang nag-akay,
Sa batang wala pang malay,
Sa mga katotohanan ng buhay.
Bisig mo ang nag-aruga,
Sa anak na naging alibugha,
Luha at lungkot, dulot sa pagtanda.
Bisig mo ang dumuyan,
Lahat ng sangkatauhan,
Mahirap man o mayaman.

Lagaslas ng Talon
Lagaslas ng talong patuloy ang agos,
Tila musika sa puso’y tumatagos,
Pang-alis lumbay sa buhay na maunos,
Katahimikan ng loob yan ang dulot.
Ang malinaw na tubig, tila salamin,
Makikita pati ang nasa ilalim,
Tila mata ng taong may salamisim,
Pinagdaanang buhay, masisilip pa rin.
Patuloy ang daloy, tila ito buhay,
batong nakaharang ay niluluksuhan,
Maraming pagsubok man ang dinaanan.
Patuloy ang awit, saliw ay kundiman.

© Cathy Black

http://www.cathcath.com

http://pinaysaamerika.blogspot.com